LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – “Basta sama-sama tayong lahat, kaya nating abutin ang minimithi ng UHC.” Ito ang iniwang mensahe ni Provincial Health Officer Dr. Cielo Angela Ante, ng kanyang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya na may kaugnayan sa kalusugan na suportahan ang Universal Health Care Act (UHC) sa isinagawang 'Orientation on Universal Health Care Act Republic Act 11223' na ginanap sa Filipiniana Hotel and Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.
Nakiisa sa nasabing aktibidad ang kinatawan ng mga lokal na pamahalaan ng mga bayan, lungsod at ng lalawigan na kabilang sa tanggapan ng kalusugan, mga Chief-of-Hospital at nasa mga satellite hospital, accountants at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang pag-aralan at lubos na maunawaan ang nilalaman ng naturang batas.
Ang UHC ay malawakang reporma sa sektor ng kalusugan na naglalayong bigyan ng access ang lahat ng Filipino sa de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan nang walang dapat ipangamba sa gastusin. (DN/PIA-OrMin/PIO-OrMin)
Larawan sa itaas: Nagbigay ng mensahe si Dr, Cielo Angela Ante (nakatayo sa may podium) na kumatawan kay Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa isinagawang Orientation on Universal Health Care Act sa Filipiniana Hotel and Convention Complex kamakailan. (Larawan kuha ng PIO-OrMin)