TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Upang linangin ang kakayahan ng mga katutubong kabataan sa Lambak Cagayan, nagsagawa ng livelihood at skills development training ang Department of Trade and Industry (DTI) region 2.
Sa pamamagitan ng Youth Entrepreneurship Program (YEP) ng DTI, pinagtitibay ang mga kaalaman ng mga katutubong kabataan sa paglikha ng iba't-ibang mga bagay mula sa mga materyales na matatagpuan sa kanilang komunidad.
Ayon sa DTI, sa pamamagitan ng training na isinagawa ay mailalabas ng mga katutubong kabataan ang kanilang mga talento sa paglikha ng iba't-ibang mga produkto na hango at magpepreserba rin sa kanilang kultura at tradisyon.
Sa temang,"Istilong Pinoy (IP), Pagsalin at Pagpapayaman ng Katutubong Kultura at mga Kasanayan,” matagumpay ang ginawang training ng DTI kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Layon din ng pagsasanay na makalikha ng mga makabagong produkto mula sa rehiyon ng Cagayan Valley na magbibigay tatak at halaga sa kultura ng mga katutubo at ng rehiyon.
Umaasa ang DTI at NCIP na patuloy na paghuhusayin ng mga katutubo lalo na ng mga kabataan ang kanilang sining at ilabas ang potensyal sa paglikha ng mga bagay na pwedeng gawing negosyo.
Hangad din ng pagsasanay na maimulat sa isipan ng mga katutubobg kabataan ang kanilanc potensyal sa pagnenegosyo. (BME/OTB/PIA Region 2/kasama si Jonalyn Juan)