LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Upang maihatid ang serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan, nakiisa ang iba’t-ibang ahensiyang nasyunal ng pamahalaan bilang pakikiisa sa programa ng Pamahalaang Lungsod na ‘Serbisyong Tama para sa Barangay’ na isinagawa sa Bagsic Compound sa Barangay Bayanan 2 kahapon, Enero 30.
Nakiisa ang mga tanggapan ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Funds, PhilHealth, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Health (DOH) at iba pa, na ilan lamang sa mga nagkaloob ng serbisyo at sumagot sa mga katanungan ng mga residente ng naturang barangay upang matugunan ang mga kailangang dokumento gayundin ang mga sangay ng lokal na pamahalaan ng lungsod.
Karamihan sa mga serbisyong pinakinabangan ay ang medikal at dental kung saan marami ang nagpakonsulta sa kalusugan, sa mata, kailangang mga gamot na ibinigay ng libre habang ang iba ay nagpabunot at nagpalinis ng ngipin.
Layunin ng nasabing programa ay ang mailapit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan (lokal at nasyunal) sa taumbayan upang hindi na lumayo pa sa kanilang barangay.
Lubos ang pasasalamat ni Calapan City Mayor Marilou Flores-Morillo sa mga tumulong na ahensiya dahil malaki aniya ang kanilang naiaambag sa kanilang mga kahalintulad na aktibidad para sa lahat ng sektor ng lipunan sa lungsod. (DN/PIA MIMAROPA)