No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

216 pamilyang Bataeño, tumanggap ng pabahay sa Orion

ORION, Bataan (PIA) -- Nasa 216 pamilyang Bataeño ang tumanggap ng pabahay sa bayan ng Orion. 
 
Ang mga benepisyaryo ng 1Bataan Village Phase 1 ay kabilang sa humigit kumulang isang libong pamilyang biktima ng sunog sa naturang munisipalidad noong 2019.
 
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Governor Jose Enrique Garcia III na ang mga pabahay na ito ay simula pa lamang ng bagong pag-asa para sa mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.
 
Bukod pa rito, nakalatag na din ang mga programang ipapamahagi pa sa mga benepisyaryo nito tulad ng pagkabit ng mga solar panel upang makatipid sa pagbabayad ng kuryente, pagbibigay ng libreng internet connection sa ilalim ng programang Fiber to Home sa mga mag-aaral ng senior high school upang libre nilang magamit ang mga educational sites na makatutulong sa kanilang pag-aaral, at ang paglulunsad ng programang Healthy School Setting. 
 
Ito aniya ay ilan lamang sa mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang makamit ang isang matatag at malusog na pamilyang Bataeño. 
 
Sinabi naman ni Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang proyektong ito ay bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program na naglalayong mabigyan ng bahay ang bawat pamilyang Pilipino at makamit ang “zero informal settlers” sa taong 2028. 
 
Samantala, nakatakdang simulan ang 1Bataan Village Phase 2 upang mabigyan ng pabahay ang marami pang pamilya na naging biktima ng sunog noong 2019. (CLJD/CASB-PIA 3)
 

(mula kanan) sina Bataan Governor Jose Enrique Garcia III, Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar at Bataan 2nd district representative Albert Garcia sa inaugurasyon ng 1Bataan Village Phase 1 sa bayan ng Orion. (1Bataan)

About the Author

Camille Anne Bartolome

Job Order

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch