DAET, Camarines Norte (PIA) – Pinaigting sa lalawigan ang mga patakaran at iba pang mga batas trapiko para sa kaligtasan sa kalsada ng publiko sa pangunguna ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Kaugnay ito sa isinagawang consultative meeting na ginanap sa CNPPO Multi-Purpose Hall, Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr.. Dinaluhan ito ng mga miyembro ng transport group sa Camarines Norte , partikular ng mga presidente ng iba't ibang grupo. Ito ay sa pangunguna ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) katuwang ang mga stakeholders.
Ayon kay CNPPO Provincial Director Col. Antonio C. Bilon Jr., ang inisyatibong ito ay isang mekanismo upang lumikha ng sektor na kumakatawan sa transport group bilang bahagi ng police community relations, crime prevention and solution ng CNPPO na nakaangkla sa pagpapalakas ng Community Service Oriented Policing.
Ito rin ang nagpapatibay ng pagkakabigkis ng Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan at ng komunidad.
Ayon pa kay Bilon, bilang bahagi ng pagpapatibay nito, magpapatuloy ang mga kahalintulad na gawain sa pamamagitan ng pakikipag diyalogo sa iba't-ibang sektor ng pamahalaan.
Aniya, upang magbigay ng mga paraan, masuri ang mga isyu, problema at anumang alalahanin para makapagbahagi ng mga solusyon na nauugnay sa mga pangangailangan ng isang partikular na organisasyon o sektor ng komunidad.
Ang diyalogong ito ay isa ring proactive measures ng PNP laban sa kriminalidad, iligal na droga, at insurhensya.
Samantala, pinag-usapan naman sa pagpupulong ang mga isyu at mga usapin na gustong ipaabot sa pulisya ng mga miyembro ng mga nabanggit na grupo, mga kasalukuyang programa ng CNPPO, mga hakbangin sa pagpigil ng krimen, pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng probinsya at ang napakahalagang papel ng mamamayan sa pagpapanatili ng isang mapayapa at progresibong pamayanan.
Ipinaabot rin sa mga dumalo ang mga nagawa ng Pulis Bantayog sa pamamagitan ng pagpapakita ng datos pagdating sa operations, community affairs at investigation.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code na siyang pangunahing batas na sumasaklaw sa mga sektor ng transportasyon. (PIA5/Camarines Norte/ ulat mula sa tanggapan ng CNPPO)