LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) -- Tumalima sa City Ordinance No. 13-940 o CCTV Ordinance of Kidapawan ang abot sa 3,143 o 80 porsiyento ng mga establisiyemento mula sa kabuuang 3,917 establisiyemento sa siyudad.
Ang mga ito ay nabigyan na ng Certificate of Compliance mula sa pamahalaang panlungsod.
Samantala, 463 establisiyemento ang nasa proseso pa rin ng pagtalima sa nabanggit na ordinansa, 307 naman ang nagsumite ng Affidavit of Undertaking, habang apat na establisiyemento ang nabigyan ng Provisional Certificate, ayon kay Public Safety Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Psalmer Bernalte.
Nabatid na maliban sa paglalagay ng mga CCTV camera bilang isa sa pangunahing requirement upang makakuha ng business permit, nakatuon din ang ordinansa sa pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa publiko ang kahalagahan ng paglalagay ng CCTV cameras sa bawat establisimiyento.
Alinsunod sa nasabing ordinansa, ang mga CCTV camera ay ilalagay sa lahat ng small, medium, at large scale enterprises sa lungsod. Malaki ang maitutulong nito sa mga insidente ng krimen o emergency situation.
Sa kabilang banda, tiyak namang mapalalakas pa ang kampanya sa seguridad sa Kidapawan matapos ang pag-apruba ng P12.3 milyong pondo para sa pagbili ng mga CCTV camera ngayong taon. Ang mga ito ay ilalagay sa mga pangunahin at matataong lugar sa lungsod. Ang pondo sa pagbili ng naturang mga gamit ay nagmula naman sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) Special Trust Fund for CY 2021-2022.(With reports from CIO-Kidapawan)