
LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Isiniguro nina Oriental Mindoro Governor Humerlito 'Bonz' Dolor at Pola Mayor Jennifer Cruz sa mga residente ng Calima, Pola na organisado at mabilis na makararating ang tulong ng pamahalaang lokal at nasyunal sa mga residenteng nakatira rito. Ito ang naging mensahe ng gobernador sa isinagawang pamamahagi ng inuming tubig kahapon sa barangay. Kaugnay nito, nagbigay ng ilang updates ang gobernador sa mga ayuda at programang ipagkakaloob ng mga sangay ng pamahalaan sa mga ito.
Una, para sa usaping empleyo; ang Philippine Coast Guard ang siyang mangunguna at mamamahala sa paglilinis ng mga coast lines na apektado ng oil spill. Ang PCG rin ang siyang mamamahala sa pagbibigay ng listahan sa Harbor Star-- ang kumpanyang katuwang ng MT Princess Empress sa pagtukoy ng mga indibidwal na babayaran sa paglilinis ng mga coast lines. Tagubilin lamang ng gobernador na isiguro na maayos ang listahan na ipapasa sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Municipal Agriculturist Office (MAO).
Nilinaw din na ang mga makapapasok sa listahan ay ang mga apektadong fisherfolks na rehistrado; mga fisherfolks na hindi rehistrado pero sertipikado ng barangay; magtitinda ng isda; at mga nagbebenta ng gamit sa pangingisda. Isa kada pamilya lamang ang kukunin na magiging trabahante.
Para naman sa mga hindi makukuha; pagkakalooban naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng cash for work program sa loob ng 15 araw ang mga ito. Susundan naman ito ng programang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kukuha rin ng mga benepisyaryo na magtatrabaho sa loob ng 15 araw. Ikalawa, para naman sa mga anak ng mga apektadong mangingisda; magkakaloob ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng scholarship grant sa mga ito.
Ilan lamang ito sa mga nakahanay na tulong mula sa pagtutuwang ng iba't-ibang ahensiya ng pamahalaan upang maiparamdam na ang pamahalaan ay maaasahan sa panahon ng pangangailangan. (JJGS/PIA MIMAROPA)