LUNGSOD NG SORSOGON, Sorsogon (PIA)--Patuloy ang pamamahagi ng pamahalaan ng fertilizer discount voucher (FDV) sa rice farmers sa bayan ng Pilar, Sorsogon.
Ang pamamahagi ng Municipal Agriculture Office ay nagsimula pa nitong ika-21 ng Pebrero.
Ang FDV ay programa ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng National Rice Program na tumutulong sa mga magasasaka na magkaroon ng mas masagana na ani ng palay.
Kaugnay nito, kabuuang P8,587,094.34 halaga ng FDV ang ipapamahagi sa 1,649 na rice farmers sa Pilar.
Maaaring mag-claim ng FDV sa Gapas Minimart sa pamamagitan ng pagpresinta ang FDV at valid ID. Ang Gapas Minimart sa bayan ng Pilar ay accredited ng Department of Agriculture.
Sakaling may sakit ang benipisyaryo o hindi makakapunta sa Gapas Minimart dahil sa emergency situation, maaari itong magpadala ng representative para i-claim ang FDV. Authorization letter, proof of identification at kopya ng ID ng magsasakang-benepisyaryo ang kailangan ipresenta ng representative sa Gapas Minimart.
Ang mga benepisyaryo ng programa ay mayroong dalawang ektarya o mas maliit pang lupang sakahan at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture. (PIA5/Sorsogon)