DAET, Camarines Norte (PIA) – Isang magnitude 6.7 na lindol ang senaryo sa 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na idinaos ng pamahalaang panlalawigan sa grounds ng Kapitolyo nitong ika-9 ng Marso.
Sa pagsasanay, ang naturang lindol ay tumagal ng higit sa isang minuto at ang mga kawani ay agad na nag duck, cover and hold.
Matapos ang pagyanig, lumabas ang mga kawani at nagmasid sa paligid habang sinusunod ang kanilang evacuation plan upang makarating ng ligtas sa itinalagang safe zone na lugar.
Isinagawa ang building assessment na isang mabilisan na pagsusuri ng integridad ng mga gusali upang masiguro na ligtas para sa mga rescue team ang pagpasok dito.
Ang K9 na isang special unit ng PNP at BFP ay gumagamit ng mga high trained na mga aso sa paghanap ng mga taong nawawala lalo na sa mga natabunan.
Mayroon namang Triage Area para sa mga pasyenteng napinsala habang ang treatment area ay inilagay upang mabigyan ng agarang atensiyon medikal at pangunanang lunas ang mga maaring mabagsakan o masugatan dahil sa lindol bago isakay sa mga transport vehicle at ambulansiya patungo sa pinakamalapit na pagamutan.
Ang search and rescue ay ang mabilisang pagtanggal o paglipat sa mga pasyente papunta sa mas ligtas na lugar para mabigyan ang mga ito ng pangunang lunas.
Isinagawa rin ang high angle rescue na isang pagproseso ng pagbaba ng pasyente sa isang gusali sakaling masira ang daanan. Ito ay ginagamitan ng mga tali at mga espesyal na gamit upang ligtas na maibaba ang biktima na na-trap sa taas ng gusali.
Pinangunahan ito ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office katuwang ang mga response agency na kinabibilangan ng Philippine National Police, Philippine Army, Bureau of Fire Protection-Special Rescue Force, Philippine Red Cross at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng LGU-Daet.
Ayon kay PDRRMO Antonio E. España, ito ay upang ipakita ang ating paghahanda sakaling magkaroon ng pagyanig at pagbutihin pa ang kamalayan ng mga mekanismo tungkol sa lindol.
Aniya, ipinaalam rin ito sa publiko ang mga kaalaman dahil ang lindol ay walang hudyat kung kailan mangyayari kaya dapat itong isaalang-alang saan man na lugar para sa kaligtasan.
Ang naturang gawain ay isinagawa rin ng mga lokal na pamahalaan sa ibat-ibang-bayan sa lalawigan. (PIA5/Camarines Norte)