Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Inklusibong kampanya kontra iligal na droga, tampok sa BIDA Fun Run sa Laguna

SANTA ROSA CITY, Laguna (PIA) – Mahigit 10,000 katao mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga organisasyon ang nakilahok sa BIDA (Buhay ay Ingatan, Droga ay Ayawan) Fun Run na inorganisa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region IV-A at pamahalaang lungsod ng Santa Rosa, noong Linggo, Marso 12.

Ang BIDA Fun Run ay bahagi ng kampanya ng DILG na himukin ang mga Pilipino na talikuran ang paggamit ng iligal na droga at bigyang prayoridad ang maayos na pangangatawan.

Pinangunahan ni DILG Secretary Benhur Abalos ang aktibidad na dinaluhan naman ni Santa Rosa City Mayor Arlene Arcillas, DILG IV-A Regional Director Ariel Iglesia, Police Regional Office (PRO) Calabarzon Director, PBGen. Melencio Nartatez, Laguna Provincial Administrator Dulce Rebanal, at ilan pang mga alkalde mula sa Laguna, Batangas, at Quezon.

Kabilang sa mga lumahok sa kampanya ang mga kawani ng DILG Region 4A, PRO Calabarzon, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Public Safety College (PPSC), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang ahensya.

Dinaluhan rin ito ng mga civic groups tulad ng mga samahan ng kabataan, kababaihan, mga guro, at iba pang sector na nagpaabot ng kanilang buong suporta sa layunin ng pamahalaan na maging ‘drug free’ ang mga komunidad.

Itinanghal na kampeon sa 3K Male Category si Ginoong Mendioro na nakumpleto ang 3 kilometrong track sa loob ng 10 minuto at 35 segundo, at sinundan nina Jackson Chirchir (11:09) at Eric John Briones (12:37).

Itinanghal naman na kampeon sa 3K Female Category si Jovelyn Cantos na kinumpleto ang nasabing track sa loob ng 17 minuto at 20 segundo, at sinundan nina Shierra Veedelicanno (20:26), at Marilyn Villagracia (20:29).

Binuksan din para sa lahat ang BIDA Fun Run bilang bahagi ng inklusibong kampanya ng DILG laban sa ipinagbabawal na gamot. Kabilang sa mga lumahok sa BIDA Fun Run ng tatlong taong gulang na si Jeff Nathan Macasib, habang ang 71-taong gulang na si Anastacia Berroya naman ang pinakamatandang runner.

Matapos ang BIDA Fun Run ay nilibot rin ni Abalos ang Santa Rosa City Drug Rehabilitation Center, na siyang pinakaunang drug rehabilitation center sa bansa na ipinagawa ng isang lokal na pamahalaan.

Dito niya binigyang pagkilala ang mga inisyatibo ng pamahalaang lungsod sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga. (PB)

About the Author

PIA CALABARZON

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch