TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Binigyang diin ni Captain Bryan N. Albano, civil military operations officer ng 501st Infantry Brigade ng Armed Forces of the Philippines, na nagpapatuloy pa rin ang operasyon kontra sa mga armadong makakaliwang grupo sa probinsiya ng Cagayan.
Ayon kay Albano, reporma sa pulitika at socio-economic ang nakikitang ugat ng pag-alsa ng New People’s Army.
Gayunpaman, inihayag nitong hindi sumusuko ang gobyerno para sugpuin ang problema ng insurhensiya sa Cagayan.
Sa probinsiya ng Cagayan ay bumababa na umano ang bilang ng mga rebelde, ngunit ayon kay Albano, hindi ito dahilan upang maging kampante ang gobyerno.
Sa kabilang banda, makakatanggap ng benepisyo ang mga sumukong miyembro ng nasabing grupo, katulad ng cash incentives, vocational training, at livelihood packages.
Hinihikayat naman ni Albano ang mga mamamayan na magkaisa at magkaroon ng sense of nationalism at pride bilang mga Pilipino upang masugpo na ang deka-dekadang rebolusyon. (JKC/PIA-Region 2/ulat ni Ronel Butacan/CPIO)