LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Binuksan na ng Ministry of Transportation and Communications (MOTC) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Husky Bus Line (HBL) ang biyahe mula Cotabato City patungong Wao, Lanao del Sur.
Ito ay matapos isagawa ng mga opisyal ng MOTC at Land Transportation Office ang road test drive ng 64-seater double-deck hanger bus ng HBL.
Sinabi ni MOTC Minister Paisalin Tago na layunin ng test drive na masiguro ang kahandaan ng bus at kaligtasan ng mga pasahero na sasakay dito.
Mula Cotabato City ay dadaanan ng bus ang bayan ng Sultan Kudarat sa Maguindano del Norte patungong mga bayan ng Pigcawayan, Alamada, Banilisan sa Cotabato province hanggang sa makarating sa Wao, Lanao del Sur.
Ang HBL na pinamamahalaan ng Biocrest Multi-Purpose Cooperative ay kasalukuyang nagseserbisyo sa mga ruta ng Cotabato City-Tacurong City-Koronadal City-General Santos City. (With reports from Bangsamoro Government)