BAGUIO CITY (PIA) -- Tiniyak ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na pag-aaralan nila ang posibleng pagdaragdag ng P1,000 na pension ng mga pensioners.
"Pag-aaralan namin nang maayos 'yan para matugunan natin 'yan. Hindi 'yan basta-basta," giit ni SSS President and Chief Executive Officer (CEO) Rolando Macasaet sa ginanap na press briefing nitong Huwebes (March 16).
Binigyang-diin nito na malaki ang financial impact sa SSS ng P1,000 pension increase. Sinabi nito na kung sa tingin ng mga tao ay maliit na bagay lamang ang P1,000, para sa SSS ay malaking bagay ito. Sakaling ipatupad ang P1K pension increase ay kinakailangan aniya ang halos P40 billion na pondo sa isang taon upang matugunan ang pensyon ng mga pensioners.
Ayon naman kay SSS VP for Benefits Administration Division Joy Villacorta, binabalanse nila ang lahat ng aspeto upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagbigbigay nila ng serbisyo.
While we want to continue to be relevant at maging adequate ang mga benefits, binabalanse ho natin 'yan sa sustainability ng pondo, aniya.
Dagdag pa nito, nakasaad sa batas na kailangang may garantiya ng pondo ang anumang pagtataas ng pensyon.
Sinabi ni Villacorta na may auctorial group na sila na nagsasagawa ng evaluation kung kakayanin ng pondo ng SSS na ibigay ang karagdang P1,000 pension. (DEG-PiA CAR)