Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga produktong gawa ng mga kababaihan, tampok sa trade fair sa Cabanatuan

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Tampok sa idinaraos na trade fair ng Department of Trade and Industry o DTI at pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang mga produktong gawa ng mga kababaihan.
 
Ito ay bukas hanggang sa Marso 20 sa WalterMart Cabanatuan. 
 
Ayon kay DTI OIC-Regional Director Brigida Pili, ngayong Marso ay ipinagdiriwang ang buwan ng mga kababaihan kasama na rito ang tagumpay ng mga kababaihang nasa Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs at iba pang grupo. 
 
Maliwanag aniya ang women empowerment sa bansa lalo na sa MSMEs na kung saan humigit 70 porsyento ay binubuo ng mga kababaihan. 
 
Ipinahayag din ni Pili na ang pagdaraos ng mga trade fair, iba’t ibang webinar at pagsusulong ng maraming proyekto ay bahagi ng mandato ng DTI na may layuning mapaunlad ang mga nagnenegosyo.
 
Hangad ng ahensya na sa pamamagitan ng mga isinusulong na programa ay makitang lumalago at lumalawak ang mga MSMEs mula sa pagtaas ng kita, kapital, pagdami ng mga empleyado, na may ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. 
 
Samantala, nangako si Mayor Myca Elizabeth Vergara sa tuloy-tuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga nagnenegosyo na hindi lamang nakatutulong mapalago ang sariling pamumuhay kundi nakatutulong din sa mga komunidad at pag-unlad ng buong lungsod.
 
Sa kasalukuyan ay ipinagagawa ng pamahalaang lungsod ang dalawang pamilihang bayan sa siyudad gayundin ang hinihintay na lamang na pagbubukas ng bagong livelihood center upang may permanenteng mapaglagyan at lalong mailapit sa merkado ang mga gawang produkto ng mga MSMEs sa siyudad. 
 
Kabilang sa mga mabibili sa trade fair ang chili chips, gourmet tahong, buro, chili oil, garlic and spicy dark chocolate ng JSM Food Products; veggie crackers ng Yassitomo Food Products; Sushi ng Kylee’s Food House; mushroom chips at mushroom crackers ng Bagong Buklod MPC; dilis, pusit, at nuts na gawa ng Fie’s Food Products; at cookies ng Yakap at Halik Agriculture Cooperative. 
 
Nariyan din ang mga ipinagmamalaking produkto na gawa ng Bethesda Food Products, CalamanC Fruit Juice Bar, Nina’s Food and Beverages, Sweet Heaven’s Food Products, Ciambella Bakeshop, J&M Natural Blends Food Products Manufacturing, Castañeto Dairy Products Trading, San Juan Mushroom Growers Association, at Chito & Marlyn’s Chicharon Manufacturing. 
 
Hindi naman mawawala ang mga non-food items tulad ng mga bed sheets, pillow cases, curtains ng Lowi’s Garments Manufacturing at Glamorosa Enterprises; coco coir, coco peat, at coco fiber ng Rural Improvement Club Valdefuente; ang capiz lamps, plant stand, metal furniture ng Novocijano Novelty Items; acrylic bead, flowers, flower vase ng Amy’s Arts and Crafts Manufacturing; handpainted bags ng Kalilas Bag Making; dishwashing liquid ng Rural Improvement Club Cruz Roja; at bonsai at flower beads na gawa ng mga female persons deprived of liberty ng Bureau of Jail Management and Penology. (CLJD/CCN-PIA 3)

Inaanyayahan ang lahat na tangkilikin ang mga produktong gawa ng mga kababaihan sa kabubukas lamang na Women’s Month Trade Fair sa WalterMart Cabanatuan na magtatagal hanggang sa ika-20 ng Marso taong kasalukuyan. Ito ay pormal na pinasinayaan nina (L-R) City Livelihood Cooperative Development Office Chief Lucille Batalla, City Social Welfare and Development Office Chief Helen Bagasao, Nueva Ecija Micro Small and Medium Enterprise Development Council Chair Reynato Arimbuyutan, Mayor Myca Elizabeth Vergara, Department of Trade and Industry o DTI OIC-Regional Director Brigida Pili, DTI Provincial Director Richard Simangan, at kinatawan ng WalterMart Cabanatuan. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

About the Author

Camille Nagano

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch