TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Pormal nang binuksan sa publiko ang bagong opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Cagayan Branch na matatagpuan sa tabi ng Tuguegarao City Hall sa barangay Carig Sur.
Pinangunahan mismo ni General Manager Melquiades Robles ang pagpapasinaya sa bagong gusali na sinaksihan nina City Mayor Maila Rosario Ting-Que at Atty. Mabel Mamba, dating board of director ng PCSO na kumatawan kay Governor Manuel Mamba.
"Ang tanggapang ito ay magsisilbi sa mga mamamayan ng Cagayan, lalo na ang mga kliyenteng nangangailangan ng tulong pinansisyal para sa kanilang bayarin sa ospital," pahayag ni Robles.
Kasabay nito, iginawad din sa sampung mga lokal na pamahalaan ang kani-kanilang mga share sa proceeds ng Small Town Lottery (STL) sa kanilang mga lugar na kinabibilangan ng mga bayan ng Aparri, Gattaran, Lal-lo, Lasam, Enrile, Solana, Iguig, Piat, Tuguegarao City at LGU Cagayan.
Personal itong tinanggap ni Mayor Que para sa lungsod habang si Atty. Mamba naman ang tumanggap para sa Cagayan.
Dumalo rin ang ilang mga alkalde para personal na tanggapin ang kanilang share sa STL habang ang iba ay nagpadala ng kanilang kinatawan.
Nagbigay rin ang PCSO ng 150 units ng nebulizer, 150 BP apparatus at 49 weighing scales sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa kanyang naging mensahe, hinikayat ni Robles ang mga mamamayan na bumili ng lotto tickets upang makatulong sa mga nangangailangan.
Aniya hindi na lamang charity works ang ginagawa ngayon ng PCSO dahil isa na rin itong revenue generator para sa kaban ng bayan. (MDCT/OTB/PIA Cagayan)