ROMBLON, Romblon (PIA) -- Sa pagbisita ni Senator Christopher "Bong" Go sa probinsya ng Romblon nitong Marso 16, pinangunahan nito ang pamamahagi ng relief goods sa may 500 residente ng iba't ibang barangay sa bayan ng Romblon, Romblon.
Personal na nag-abot ng tulong si Senator Go sa mga residente kagaya ng masks, good packs, vitamins, at pagkain. May ilang residente rin ang nakatanggap ng cellular phones, shoes, shirts, and balls for basketball at volleyball.
"Bilang Chair ng Senate committee on Sports, gusto ko naman po na hindi masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Duterte na labanan ang kriminalidad at ilegal na droga kaya ini-engganyo ko po ang mga kabataan na to get into sports, stay away from drugs. Ilayo po natin ang mga kabataan sa ilegal na droga while keeping them healthy and fit," pahayag ni Senator Go sa harap ng mga Romblomanon.
Maliban sa ipinamahagi ni Senator Go at ng kanyang opisina, namigay rin ng P3,000 na cash assistance ang Department of Social Welfare and Development bilang tulong sa kanilang gastusin.
Bumisita din ang senador sa Romblon Provincial Hospital para tingnan ang sitwasyon ng Malasakit Center sa ospital. Dito ay naabutan din ng tulong ng senador ang ilang pasyente. (PJF/PIA Mimaropa)