PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- ''Hindi pa napapanahon ang Cha-cha,'' ito ang naging sagot ni Senator Imee Marcos sa panayam ng Palawan Media kung pabor ba ito sa Charter Change o ang pagbabago ng konstitusyon ng bansa.
Sa press conference na ginanap sa Western Command (WESCOM) kaugnay ng pagbisita ng Senador sa lungsod at lalawigan ay tahasang sinabi nito na marami pang problemang kinakaharap ang bansa kung kaya’t hindi pa napapanahon ang Cha-cha.
“Maraming nagsasabi sa amin, kami dapat, ang pamilyang Marcos ang dapat tumutol sa konstitusyon na ito, kasi 1987 ‘yan, pagkatapos ng EDSA, maraming probisyon na sinasabing anti-Marcos na probisyon kaya dapat tutulan namin, pero sa pakiwari namin at sang-ayon ako kay Presidente, kay Bongbong, sa aking kapatid na hindi pa napapanahon kasi ang dami nating problema,” ang pahayag ni Sen. Imee Marcos.
Ilan sa mga problemang kinakaharap ng bansa na dapat aniyang unahin ay ang ‘smuggling’ sa pagkain, kakulangan ng suplay at napakamahal na bilihin.
Sinabi din nito na mauubos lamang ang oras o panahon ng mga mambabatas kung puro 'Constitutional Amendments' ang pag-uusapan. Sang-ayon naman aniya siya sa pagpapalit ng economic provision ngunit sa reyalidad kapag binuksan ang usaping Saligang Batas, dapat aniya lahat ay pag-usapan, hindi lamang ang iilang probisyon nito.
Si Senador Marcos ay nasa lungsod at lalawigan nitong Marso 19 upang pangunahan ang iba’t-ibang aktibidad tulad na lamang ng pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para sa mga benepisyaryo nito mula sa Lungsod ng Puerto Princesa, Aborlan at Narra. (OCJ/PIA MIMAROPA)