Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Murang bilihin sa Kadiwa ni Ani at Kita, dinagsa ng mamimili sa Ilocos Sur

LUNGSOD NG VIGAN, Ilocos Sur ­(PIA) — Dinagsa ng mga mamimili sa probinsya ang mas murang bilihin sa Kadiwa ni Ani at Kita Retail Selling na isinagawa ng Office of the Provincial Agriculture sa Gregoria Rivera Memorial Library sa lungsod na ito nitong ika-17 ng Marso.
 
Ibinahagi ni Marina Atendido, assistant provincial agriculturist, na isinagawa ito ng kanilang opisina para sa pagdiriwang ng National Women’s Month.
 
Layunin nito na matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga ani at mapataas ang kanilang kita.
 
Higit pa doon ay nais din ng programa na ilapit sa mga mamimili ang mga produkto sa mas murang halaga.

Mga organikong gulay at prutas, mabibili rin sa Kadiwa ni Ani at Kita Retail Selling sa Ilocos Sur. PIA/ATV
Kilo kilong bangus ang pinapakyaw ng mga mamimili sa Kadiwa ni Ani at Kita Retail Selling sa Ilocos Sur dahil sa mas murang presyo. PIA/ATV


Ayon kay Floro Perlas, isang mamimili mula sa Barangay Rugsuanan sa nasabing siyudad, “Dito makikita na hindi natutulog ang gobyerno, tinitingnan pa rin nila ang makabubuti sa karamihan lalo na kaming mga mahihirap.”
 
Ayon naman kay Rema Lucero, magsasaka mula sa bayan ng Cabugao, sa dami ng tao ay mabilis silang nakabenta.
 
Ani Lucero, “Napaubos po namin mula kaninang umaga iyong black rice, bawang, sibuyas, kamatis at upo. Kaunti na lang po ang naiwan.”

“Lubos po kaming nagpapasalamat sa lokal na pamahalaan, sa provincial agriculturist, at sa Department of Agriculture, maiiwasan natin iyong pagkakaroon ng mataas na presyo ng mga middleman, natutulungan natin iyong mga farmers na iyong mga produkto nila maibebenta sa tamang presyo – hindi malulugi ang mga farmers,” dagdag pa nito.
 
Ipinagbibili rin sa aktibidad ang sukang Iloco, bagoong, patis, at organikong itlog at mga gulay.
 
Maging ang Vigan longganisa, bagnet, mga kakanin, at sabon na gawa ng mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) ay tampok din sa aktibidad.
  
Ayon sa provincial agriculture, ang Kadiwa ni Ani at Kita Retail Selling ay isinasagawa apat na beses sa isang taon. (JCR/AMB/ATV PIA Ilocos Sur)
 

Inimbitahan din ng provincial agriculture sa Ilocos Sur ang mga MSMEs para makapagbenta ng kani-kanilang produkto. PIA/ATV

About the Author

Aila Villanueva

Writer

Region 1

Aila T. Villanueva is an Information Officer I of the Philippine Information Agency Ilocos Sur Information Center based in the Heritage City of Vigan.

Feedback / Comment

Get in touch