Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

USAID at iba pang mga organisasyon, nagkaloob ng tulong sa Oriental Mindoro

Tinanggap ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Bonz Dolor at Calapan City Mayor Marilou Morillo ang mga kaloob na tulong ng USAID katuwang ang Gerry Roxas Foundation at ABS-CBN Foundation.

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- "In behalf of our people, thank you very much for everything that you have given us. Thank you for inspiring us that we are not alone in this fight". Ito ang naging mensahe ni Governor Humelito "Bonz" Dolor sa isinagawang turn-over ceremony ng mga tulong mula sa United States Agency for International Development (USAID) katuwang ang Gerry Roxas Foundation at ABS-CBN Foundation.

Nagkaloob ang USAID ng mga Personal Protective Equipment Sets (PPEs) sa Pamahalaang Panlalawigan na siyang gagamitin ng mga maglilinis ng mga oil spill sa mga apektadong lugar sa lalawigan. Ilan lamang sa ipinamahagi ay ang 150 piraso ng coverall, 150 pares ng Nitrile gloves; N95 Dust Mask, 150 piraso ng NP105 goggles, at 150 pares ng rubber boots.

Ayon kay USAID Philippines Mission Director Ryan Washburn, kaisa ng bansang Pilipinas at mga Mindoreño ang Estado Unidos sa pagresponde sa kinakaharap na insidente ng lalawigan.

Aniya, ito ay unang bahagi pa lamang ng tulong ng Estados Unidos sa lalawigan. Nakatakda pang magkaloob ang mga ito ng 20,000 food packs para sa mga pamilyang apektado. Bukod naman sa mga nabanggit na tulong, maglalaan din ang USAID ng Php10M halaga na training assistance sa mga apektadong mangingisda, bilang altenatibo ng mga ito habang umiiral ang fishing ban sa lalawigan. Magsasagawa rin ng community assessment ang USAID upang bigyan ng konkretong plano ang medium to long term plans para sa lalawigan.

Dumalo rin sa naturang gawain si Calapan City Mayor Marilou Morillo kasama ang kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) MIMAROPA at ilang mga hepe ng mga departamento ng Pamahalaang Panlalawigan.

Kaalinsabay ng turn-over ng naturang tulong, nagbigay ng pinakahuling mga update si Governor Humerlito "Bonz" Dolor hinggil sa estado ng oil spill at ng epekto nito sa lalawigan.

Base sa mga pinakahuling datos na nakalap ng Pamahalaang Panlalawigan, nasa sampu (10) mula sa 15 bayan ng lalawigan ng Oriental Mindoro ang apektado ng oil spill sa kasalukuyan. Mula sa bilang na ito, 122 barangay ang apektado at 80 dito ang coastal barangays.

Humigit 20,000 pamilya naman o may kabuoang bilang na 102,000 indibidwal mula sa bayan ng Naujan hanggang Bulalacao ang tinatayang apektado pa rin ng oil spill sa kasalukuyan.

Ayon pa sa pinakahuling datos na isinumite ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hindi pa rin pumapasa sa water sampling test ang mga bayan ng Naujan, Pola, Gloria, at Pinamalayan, kung kaya't patuloy pa rin nitong paiiralin ang fishing ban gayundin ang pagbabawal na maligo sa mga karagatan ng naturang bayan dahil lubhang mapanganib ito sa kalusugan ng mga mamamayan.

Sa lahat ng nangyayaring ito, ani ng gobernador na tulad noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19 sa lalawigan; naniniwala ito na sa pamamagitan nang maagap na aksyon ng pamahalaan at pagtutulong-tulong ng mga grupo at mga indibidwal, muling malalagpasan ang kinakaharap na insidenteng ito. (JJGS/PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch