LUNGSOD NG BUTUAN -- Patuloy ang paghahatid ng serbisyo at tulong sa mga conflict affected areas sa probinsya ng Agusan del Norte, sa pamamagitan ng Provincial Peace and Order Council o PPOC immersion.
Sa ginawang PPOC immersion na ginawa sa barangay Bangonay, Jabonga, aabot sa halos apat na libong (4,000) residente ng barangay at mga karatig barangay ang nakinabang at nakatanggap ng iba’t ibang serbisyo at tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno maging sa mga civil society organizations na nakabase sa probinsya.
Masaya ang mga residente lalo na ang indigenous peoples sa pangunguna ng kanilang punong barangay, Marwin Serrano, dahil sa ibinigay na pansin, tulong at mga serbisyo sa kanila.
Ayon kay Serrano, ngayon lang ito nangyari sa kanilang barangay, at malaking pasalamat nito kay governor Ma. Angelica Rosedell M. Amante sa pagpili sa kanilang lugar.
Layunin ng PPOC immersion na makita at madama ng mga residente ang gobyerno at matulongan itong makamit ang tunay na kapayapaan sa lugar at sa buong bansa. Nanawagan ang gobernador at bilang PPOC chairperson, sa mga residente na itigil na ang suporta sa mga rebelde at tulongan ang gobyerno upang tuluyang makamit ang tunay na kapayapaan. Dagdag pa ni Amante na hanggat may taong susuporta sa mga rebelde, hindi natin makakamit ang kapayapaan at pag-unlad ng ating lugar.
Maliban sa mga serbisyong hatid, nagbigay din ng mga foodpacks at mga kagamitan mula sa mga ahensya ng gobyerno at mga civil society organizations. Bilang paghahanda rin sa panahon ng mga emergencies at sakuna, nagsagawa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga demonstrasyon sa basic life support, first aid at namigay ng mga first aid kits at relief goods.
Upang mabigyan din ng medical at dental na attention at pangkalusugan ang mga residente sa nasabing barangay, dala-dala din ang x-ray at dental van kasama ang mga doctors, nurses at health workers ng Provincial Health Office at health department sa lugar.
Ang PPOC immersion ay ginagawa sa iba’t ibang lugar ng probinsya sa Agusan del Norte sa pangunguna provincial government at ng Department of the Interior and Local Government provincial office, Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), iba’t ibang ahensya sa gobyerno at mga civil society organizations. (NCLM/PIA Agusan del Norte)