LUCENA CITY (PIA) — Inaaasahang mas mapapaunlad pa ang kaalaman ng mga magsasaka ng niyog sa Quezon upang mapalakas ang sektor ng pagniniyog sa paglulunsad ng “School-On-The-Air on Coconut” program ng Agricultural Training Institute (ATI) Calabarzon.
Ito ang tiniyak ni ATI Calabarzon Center Director Dr. Rolando Maningas sa pormal na paglulunsad ng programa sa lalawigan ng Quezon nitong Abril 27 Ouan’s Worth Farm, Lucena City, Quezon.
Ayon kay Maningas, lalahok sa programa ang mga magniniyog mula sa 12 bayan ng Quezon kabilang ang Lucban, Mauban, Tayabas City, Dolores, San Antonio, Sariaya, General Luna , Unisan, Gumaca, Lopez, Catanauan at Tagkawayan.
“Sampung linggo na makikinig sa radyo at manonood sa FB page ng DA-ATI CALABARZON sa 20 episodes hinggil sa kaalaman sa bagong teknolohiya, promosyon at kasanayan ukol sa pagniniyugan ang mga magniniyog,” ani Maningas
Sinabi naman ni Quezon Assistant Provincial Agriculturist Ma. Leonellie Dimalaluan na inalam na ni Quezon Governor Helen Tan ang pangangailangan at angkop na programa sa mga magniniyog sa pamamagitan ng ‘roadmap development’.
Dagdag pa ni Dimalaluan, nagpaabot na rin ng tulong ang Gobernadora sa 28 grupo ng magniniyog na magkaroon ng ‘cooperative certification’ upang higit na lumago ang industriya ng pagniniyugan sa lalawigan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV Bibiano Concibido, Jr. na mahalaga ang ganitong uri ng programa upang mas maiparating kaagad ang mga bagong impormasyon at kaalaman sa mga magniniyog.
Ang School-On-The-Air on Coconut ay may paksang ’Masaganang Coco-Buhayan Radyo Eskwela sa Pagniniyugan’ na magsisimula sa ika-25 ng Mayo. (Ruel Orinday-PIA Quezon)