No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tulong pangkabuhayan, handog ng DOLE sa Labor Day

SYUDAD NG VIGAN, Probinsya ng Ilocos Sur (PIA) – Namigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng iba't ibang tulong pangkabuhayan sa mga residente ng Ilocos Sur kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa nitong Lunes sa Farmers Livelihood Development Center sa syudad.

Pagbubukas ng Labor Day Festival sa Provincial Farmers Livelihood Development Center sa syudad ng Vigan nitong ika-1 ng Mayo. (jmcq/pia)

Tumanggap ng kanilang sahod bilang emergency workers ang nasa 203 indibidwal mula sa siyudad at sa bayan ng San Vicente at Magsingal na napabilang sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Nabigyan din ng tulong ang nasa pitong magulang ng mga natukoy na child laborers sa probinsya – lima ang tumanggap ng sari-sari store package na nagkakahalaga ng P15,000, at dalawa ang tumanggap ng goat raising project na nagkakalahaga ng P30,000.

Pagtanggap ng mga magulang ng child laborers sa probinsya sa tulong pangkabuhayan mila sa DOLE nitong Mayo 1. (jmcq/pia)

Tinukoy ng DOLE ang mga nasabing benepisyaryong child laborers base sa kanilang estado ng pamumuhay at mga pangangailangan.

Sa pamamagitan ng Farm Mechanization Project ng DOLE, tumanggap naman ng isang tractor ang Namnama Farmers Association of Calautit Santo Domingo, Inc.

Nagpapasalamat si Myrna Vertudes, Presidente ng nasabing asosasyon, sa mabilis na aksyon ng DOLE sa kanilang hiling na tulong.


Iti sibubukel a Namnama Farmers Association, dakkel a pagyaman iti provincial government ken iti DOLE ti innak iyebkas iti daytoy a machinery agsipudta dakkel la unay ti maitulongna kadakami a mannalon ta no awan bukodmi a traktor, nagasto la unay iso a dakkel panagyamanmi (Sa ngalan ng Namnama Farmers Association, malaki ang pasasalamat naming sa provincial government at sa DOLE para sa binigay nilang makinarya dahil sobrang makatutulong ito sa aming mga magsasaka. Kung wala kaming sariling tractor na gamit, magastos kaya maraming salamat!),” ani Vertudes.

Pakikipanayam kay Ginang Myrna Vertudes ng Namnama Farmers Association of Calautit Santo Domingo, Inc. (jmcq/pia)

Maliban dito, inabot ng DOLE sa mga opisyal ng Pila-Dardarat Irrigators Farmers Association, Lusong-Baclig Farmers Association, Sabang Dalipawen Farmers Association, Maradodon Itneg Farmers Association, at Timpuyog Padual Farmers Association mula sa bayan ng Cabugao ang DOLE grant na nagkakahalaga ng higit isang milyong piso para sa pambili ng tig-isa silang hand tractor with trailer.

Gayun din sa Timpuyog ti Kababaihan iti Nagrebcan, Santa Lucia, ibinigay ng DOLE ang grant na nagkakahalagang P294,000 para sa pagpapatayo nila ng Community Mini Grocery Project.

Nasa kabuuang 189 na benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) mula sa probinsya ang tumanggap ng kanilang sahod mula sa DOLE.

Sa pakikipagtulungan sa TESDA, tinanggap din ng mga nagsipagtapos sa Caregiver NCII ang kanilang certificate of completion at toolkits naman ang ibinigay sa mga nagsanay sa Carpentry NCII at Service Automotive Electrical Components.

Si Steve Bilag, ang kauna-unahang hired-on-the-spot o HOTS sa ginanap na Jobs Fair sa syudad. (jmcq/pia)

Ang mga nasabing tulong ay ibinigay ng DOLE sa mga benepisyaryo kasabay ng jobs fair at one-stop-shop na dinaluhan ng higit 600 job seekers mula sa probinsya kung saan nasa 287 dito ang hired-on-the-spot. (JCR/MJTAB/JMCQ at Jessa Reynon, Intern sa PIA Ilocos Sur)

About the Author

Joyah Mae Quimoyog

Writer

Region 1

A writer based in the heritage province of Ilocos Sur.

Feedback / Comment

Get in touch