
Nakalatag na ang Security Plan ng Philippine National Police (PNP) para sa darating na selebrasyon ng 2023 Grand ‘Ammungan’ Festival sa lalawigan. PIA Photo
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Nakalatag na ang security plan ng Philippine National Police (PNP) para sa darating na selebrasyon ng 2023 Grand Ammungan Festival sa lalawigan.
Ayon kay Police Lt. Col. Ferdinand Laudencia, PNP Prov'l Operations and Management Unit (POMU) Chief, layunin ng kanilang security plan na pigilan ang anumang plano ng mga Communist Terrorist Groups (CTGs) na guluhin ang selebrasyon ng Ammungan Festival.
Ayon kay Laudencia, nakakalat na ang kanilang mga kawani upang magbantay at kumalap ng mga impormasyon hinggil sa maaaring plano ng panggugulo ng mga CTGs sa bayang ito kung saan gaganapin ang iba’t-ibang programa para sa nasabing festival.
Dagdag pa nito na ang security plan ay ipinapatupad katuwang ang mga batangay officials at civic organizations sa bayan at lalawigan.
Dahil dito, hinimok ni Laudencia ang mga Novo Vizcayanos na makipagtulungan at sumunod sa mga patakaran sa mga iba’t-ibang lugar ng mga programa, lalo na ang sistema ng traffic management upang maging maayos at walang aberya ang mga programa at mga mamamayan.
Ang Ammungan Festival o pagtitipon ay selebrasyon ng ika-184 taong anibersarto ng lalawigan kung saan tampok dito ang iba’t-ibang programa at palabas mula Mayo 19 hanggang Mayo 25.
Ang 2023 Grand Ammungan Festival ay may temang ‘Panagdur-as ti Ekonomia iti Nueva Vizcaya Babaen iti Turismo ken Agrikultura’.
Idineklarang holiday naman ang Mayo 24 na araw ng Miyerkules dahil ito ang tinaguriang Vizcaya Day o araw ng kaarawan ng lalawigan bilang civil government mula sa pagsakop ng Espanya. (BME/PIA NVizcaya)