LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Aprubado na ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) parliament sa pangatlo at huling pagbasa ang parliament bill no. 41, o ang Bangsamoro Revolving Fund Act of 2023.
Miyerkules, Mayo 17 nang inaprubahan ang nasabing bill na may 44 na affirmative votes, zero negative votes, at zero abstentions.
Layon ng bill na magbuo ng P1 bilyong revolving fund, partikular para sa mga manggagawang ang sahod ay pinondohan ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ministry at tanggapan sa BARMM.
Sa pamamagitan nito ay masisiguro ang agarang pagbibigay ng suweldo at benepisyo sa mga empleyadong apektado ng mga pagkaantala ng mga benepisyo.
Sinisiguro rin ng nasabing batas na protektado ang interes ng mga manggagawa, at upang mas mapahusay pa ang pagbibigay serbisyo sa mamamayang Bangsamoro.
Samantala, abot sa 3,725 na mga manggagawa ang makikinabang sa nasabing batas, kabilang ang mga doctor, nurse, midwives, at iba pa. (With reports from Bangsamoro government).