BATANGAS CITY (PIA) — Isang candlelight memorial ang isinagawa ng Batangas City Health Office para sa mga indibidwal na nasawi dahil sa sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV) infection at (AIDS) nitong Lunes, ika-22 ng Mayo.
Ang aktibidad ay bahagi ng awareness campaign laban sa HIV-AIDS na may tema ngayong taon na ”Spread Love and Solidarity to Build Stronger Communities”.
Layon ng kampanya na maipalaganap ang tamang kaalaman hinggil sa HIV-AIDS gayundin ang mga iba pang sexually transmitted diseases (STD) at mabawasan ang patuloy na pagtaas ng kaso at pagkamatay dahil dito. Ito rin ay isang uri ng pagbibigay pag-asa gayundin ang pagbabahagi ng panalangin at pag-alala sa mga yumao dahil sa naturang sakit.
Ang HIV-AIDS ay nakukuha sa pakikipagtalik o sexual contact, blood o blood products, needle prick at mula sa gatas ng ina.
Tampok rin sa isinagawang candlelight memorial ang Art Exhibit ng mga miyembro ng Wagayway Equality Inc.,isang grupo na sumusuporta sa mga HIV-positive at mga pasyenteng may AIDS.
Kabilang sa mga nakiisa sa naturang aktibidad sina Batangas City Health Officer Dra. Rosanna Barrion, City Councilor Jonash Tolentino, City Councilor Junjun Gamboa, mga guto at mag-aaral mula sa Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB), Batangas State University (BSU) at Pilipinas Shell Foundation Inc. (PSFI).
Samantala, nagbibigay ng pagsusuri o screenings ang Batangas City Health Office para sa mga nakakaranas ng mga sintomas ng naturang sakit. (BPDC/PIA BATANGAS)