DAET, Camarines Norte, Mayo 23 (PIA) – Pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) Daet Branch ang anim na employers sa Camarines Norte hinggil sa kanilang legal obligations para sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa.
Bukod ito sa naunang anim pa na inatasan na establisyemento noong Abril na hindi rin nagremit ng mga kontribusyon.

Ayon kay Ermina Maria P. Robredo, branch head ng SSS Daet, layuin ng naturang aktibidad na palawakin pa ang kamalayan at disiplina sa mga employer sa kanilang mga obligasyon, mapahusay ang efficiency of collection ng ahensiya at mapadali ang pagsasampa ng kaso laban sa mga hindi sumusunod na employers.
Aniya, ang mga business employer o household employer ay mga kasama sa pagbibigay ng social security protection para sa mga Filipino workers sa pribadong sektor.
Sa ilalim ng Republic Act 2018 o Social Security Act of 2018, layunin na matukoy ang pagsunod sa mga mandatory provisions ng SSS kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga employer sa kanilang mga obligasyon.
Kabilang na ang pagpaparehistro ng negosyo, pag-uulat ng mga empleyado at pagpapadala ng mga kontribusyon sa SSS. (PIA5/ Camarines Norte)
Sa media briefing, ipinahayag ni Atty. Ma. Charissa Oliver Velasco, acting head ng Luzon Bicol Legal Department na simula buwan ng Enero hanggang April kasalukuyang taon, ay 14 ang tumanggap ng demand letter. Pito dito ay may compliance na at ang isa naman ay nakasampa na ang kaso sa korte.
Aniya, walang nahatulan ng nakaraang taon dahil ang limang nakasuhan ay nakapagbayad habang nakapagpartial payment naman ang isang nakapending.
Inaatasan ang mga non-compliant employers na ayusin ang kanilang mga legal na obligasyon sa SSS na may opsyong mag-apply sa Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP).
Sa isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) noong Mayo 19 ng SSS, nagpalabas ang RACE Team ng written orders sa mga delinquent employers na kailangan nilang sagutin sa loob ng 15 araw.