Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Robotics Team ng Roxas Nat’l Comprehensive HS, binigyang pugay at pagkilala

Ipinapakita ng robotics team ng Roxas National Comprehensive High School sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang kanilang imbensiyon na 'Automatic Watering System in Vertical Organic Farming' na nakapag-uwi ng Silver Medal mula sa World Young Inventors Exhibition sa Kuala Lumpur Malaysia. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Binigyang pugay at pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Palawan sa ginanap na regular na sesyon nitong Mayo 25, 2023 ang Robotics Team ng Roxas National Comprehensive High School (RNCHS).

Ito ay dahil sa karangalang nakamit ng mga ito matapos maiuwi ang Silver Medal para sa Agricultural Category sa World Young Inventors Exhibition na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang Mayo 13.

Ang pagkilala ay idinaan ng SP sa isang resolusyon na iniakda nina 1st District Board Member Maria Angela Sabando at 3rd District Board Member Rafael Ortega, Jr.

Ang robotics team ng RNCHS ay binubuo nina Vince C. Martinez bilang team leader, Oliver S. Espinosa, Isaiah N. Jimenez, Kriezel Angelic D. Verdin at Althea Stephanie P. Morales habang tumatayong tagapagsanay naman ng mga ito ang mga gurong sina Honelley B. Balo at Asael Y. Palermo.

Iprenisenta naman ng mga mag-aaral sa mga miyembro ng SP ang kanilang imbensiyon na 'Automatic Watering System in Vertical Organic Farming.'

Sa paliwanag ng mga mag-aaral, ang nasabing teknolohiya ay magbabawas sa pangangailangan ng tauhan, partikular na sa pagpapatubig o pagdidilig ng mga pananim dahil ito ay naka-set na kung anong oras ito pagaganahin gamit ang Arduino Uno R3 motherboard na siyang magsisilbing pinaka-utak ng sistema.

Makakatipid din anila ito sa paggamit ng tubig dahil ang sobrang tubig ay makokolekta rin sa pamamagitan ng plastic shielding at ibabalik ito sa water reservoir upang magamit muli.

Ayon naman kay Board Member Sabando, malaki ang maitutulong ng imbensiyong ito ng mga kabataan para sa mga magsasaka sa lalawigan gayundin ang pagpapaunlad ng agrikultura kung mabibigyan ito ng sapat na suporta ng pamahalaan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch