
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nasa 266 na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) mula bayan ng San Jose ang tumanggap ngayong araw ng kanilang burial, medical at financial assistance.
Ang AICS ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay suporta sa mga indibidwal at pamilya na may kinakaharap na di-inaasahang pangyayari o krisis.
Ang pondo ay nagmula sa tanggapan ng iba’t ibang opisyal na naglalayong direktang matulungan ang kanilang mga kababayang nasasakupan. Ang tulong na ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ay mga pagkain, tulong-medikal, burial o pagpapalibing, transportasyon, at maging sa edukasyon.
Ayon kay Bobby Arroyo, OIC- Samarica District Office ni Representative Leody Tarriela ng Occidental Mindoro, aabot sa P1.3 milyon ang pondong inilaan ng kanilang tanggapan para sa mga benepisyaryo sa mga bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal at Calintaan, na ipapamahagi ng DSWD Provincial Office.
Isa sa mga benepisyaryo ng AICS si Rowena Garcia ng Brgy. Central, San Jose. Ayon kay Garcia, lumapit siya sa tanggapan ni Tarriela upang humingi ng burial assistance para sa kanyang yumaong ama. Sa gitna ng mahirap na estado sa buhay, sinabi nitong malaking tulong ang halagang natanggap nila mula AICS.
Pinagkalooban naman ng medical assistance ang senior citizen na si Mildred Hilario, edad 71, stroke patient, at nakatira sa Brgy. Mabini Annex ng bayang ito. Aniya, wala nang sumusuporta sa kanya at kailangan niya ng pambili ng mga gamot at pangtustos sa kanyang medical checkup.
Sina Garcia at Hilario ay kabilang sa higit 200 benepisyaryo ng AICS sa San Jose. Katulad nila, marami ang umaasa sa tulong na galing sa pamahalaan at sa mga nakaupong lider ng probinsya.
Sa isinagawang payout ngayong araw, pinagkalooban bawat benepisyaryo ng halagang P3,000-P5,000. Ito ay ibinatay sa tulong na kanilang hiniling. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)