LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Inanunsyo ng Bangsamoro Board of Investments ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BBOI-BARMM) na abot na sa P1.77 biilyon na halaga ng investments ang naaprubahan sa rehiyon simula Enero hanggang Mayo ng kasalukuang taon.
Ayon sa BBOI, ang nasabing halaga ng investments ay higit na doble sa kaparehong period noong nakaraang taon kung saan nakapag generate ng P850 milyong investment.
Kabilang sa mga investment na inaprubahan ngayong taon ay ang academic school sa Cotabato City; oil depot sa Polloc Port, Maguindanao del Norte; shipping company sa Tawi-Tawi; at beach resort sa Sitio Timako, Barangaya Kalanganan sa Cotabato City, at iba pa.
Sinabi ni BBOI chairperson Mohamad Omar Pasigan na ang bagong mga investment ay inaasahang makapagbibigay ng trabaho sa higit 300 na manggagawa sa rehiyon.
Iniuugnay din ni Pasigan ang mataas na investment ngayon taon sa mga pagsisikap at adbokasiya ng pamahalaan ng BARMM upang mas makapag engganyo ng mga mamumuhunan sa rehiyon. (With reports from Bangsamoro government).