LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Ngayong papalapit na naman ang tag-ulan, muling nagbigay paalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na iwasang magmaneho ng mabilis sa baha.
Ayon sa MMDA, maiiwasan ang insidente ng short circuit, skidding o pagkadulas, at pagtirik sa daan kung mabagal ang pagmamaneho sa mga pakurbang daan at baha.
Kapag mabilis ang patakbo sa baha, malalagyan ng tubig ang electrical parts at makina ng sasakyan kaya't posibleng magkaroon ng short circuit. Kapag nagkaroon ng ganitong problema, maaaring ma-stranded sa gitna ng kalsada.
Kaya payo ng ahensya, sa maingat na pagmamaneho kapag may baha, ligtas ka na, iwas-abala pa sa kapwa mo motorista. (MMDA/PIA-NCR)