MANGALDAN, Pangasinan (PIA) – Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan na magkaroon ng isang Class 'AAA' slaughterhouse upang lalo pang pagbutihin ang lokal na industriya ng karne sa naturang bayan.
Bilang paunang hakbang tungo sa pagkamit ng layuning ito, ang lokal na pamahalaan ay nakatakdang magsagawa ng benchmarking at study tour sa mga kilalang Class 'AAA' accredited slaughterhouses sa Pilipinas.
Kabilang sa mga Class 'AAA' accredited slaughterhouses ang Tarlac Meatmasters ng Pilmico Animal Nutrition Corporation na matatagpuan sa Bamban, Tarlac, at ang Red Dragon Farm Feed, Livestock, and Foods, Inc. na matatagpuan sa lalawigan ng Pampanga.
Kasalukuyang ginagawa ang paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa pagproseso ng aplikasyon para sa financial grant na iniaalok ng Philippine Rural Development Project sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA).
Kung ipagkakaloob ang nasabing pondo ay ilalaan ito para sa muling pagtatayo at pagpapalawak ng lokal na abattoir na may layuning makakuha ng akreditasyon bilang Class 'AAA' slaughterhouse.
Ayon kay Dr. Orlando Ongsotto, National Meat Inspection Service (NMIS) Ilocos regional director, hanggang ngayon ay wala pang accredited Class ‘AAA’ na katayan sa bansa na pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno.
Karamihan sa mga nasabing abattoir ay pinamamahalaan ng mga pribadong negosyo.
Ani Mangaldan Mayor Bona Fe De Vera-Parayno, “Kung kaya nila [private-owned corporations] na mag-operate ng class 'AAA' slaughterhouse, I am sure that with everybody's help, we can also achieve this goal to be the first government-owned Class 'AAA' accredited abattoir sa buong Pilipinas.”
Nagbigay din ng babala ang NMIS sa mga operators ng slaughterhouse hinggil sa paglabag sa mga regulasyon na may kinalaman sa pagkatay ng mga hayop na gaya ng labis na hydration ng mga hayop sa bukid upang madagdagan ang bigat ng karne sa pagkatay.
Ito ay dahil ang mga 'flooded' na karne ay may mataas na posibilidad ng pagkasira na nagdudulot ng potensyal na panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
Ang mga napatunayang nagkasala ay maaaring kasuhan sa ilalim ng Animal Welfare Act of the Philippines (Republic Act 10631, o ang Amended RA 8485), ang Meat Inspection Code of the Philippines (RA 10536, o ang Amended RA 9296), at ang Consumer Act ng Pilipinas (RA 7394).
Bukod dito, nakatakda rin silang kasuhan dahil sa paglabag sa mga regulasyong nakasaad sa DA Administrative Order No. 15 series of 2006. (JCR/AMB/RPM, PIA Pangasinan)