Paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at iba't ibang ahensya ng pamahalaan
Bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Mawar, nag deploy ang Lungsod Quezon sa bawat distrito ng iba pang mga kagamitan at sasakyan ng QC Engineering Department na maaaring magamit sa disaster response and rescue operations. Naka-standby na rin ang mga mini dump truck, manlift truck, payloader, at sewer jet.
Samantala, nag-inspeksyon ang Caloocan Office of City of Building Official (OCBO) sa kahabaan ng EDSA upang i-check ang mga billboards doon. Nag-abiso na rin si OCBO Officer-in-Charge Jay Bernardo sa mga may-ari ng mga billboard na maging responsable at pansamantalang tanggalin ang kani-kanilang mga billboard upang maiwasan ang sakunang maaring idulot ng mga ito kapag bumagyo.
Tiniyak naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano na handa ang lungsod sa pagtugon sa anumang kagipitan o sakuna na idudulot ng bagyo hindi lamang sa mga residente kundi maging sa kanilang mga alagang hayop.
Pinaalalahanan niya ang mga Taguigeño na ipagpaliban muna ang mga okasyon o gawain sa labas ng bahay kung hindi naman talaga kailangan. Hinikayat din niya ang lahat na makinig at sumunod sa mga anunsyo ng lungsod ukol sa bagyo.
Siniguro naman ng mga emergency response team ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) na ang lungsod ay nakapag lagay na ng mga tamang emergency equipment bilang paghahanda. Nagsagawa rin ng inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa mga pumping station sa lungsod para masigurado na lahat sila ay gumagana. Ilang water pump din ang na-install sakaling magkaroon ng baha.
Binuksan din ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang foodbank para paghandaan ang mga ipamimigay na pagkain sa pananalasa ng bagyo
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development - NCR ay mayroon nang nakahandang food at non-food items na maaaring ipamahagi kaagad sakaling may mga maapektuhang lokal na pamahalaan sa NCR. (PIA-NCR / Photos by MMDA & DSWD-NCR)