LUNGSOD NG NAGA (PIA) – Ipapatupad ng Camarines Sur II Electric Cooperative ang mas mababang singil sa kuryente simula ngayong buwan ng Mayo.
Bababa sa 11 pesos per kilowatthour na lang ang presyo ng kuryente mula sa dating 15 pesos. Ito ay base sa rate ng National Power Corporation – Time of Use.
Ito ang laman ng naisumiteng resolusyon na inilatag ng kooperatiba sa show-cause order ng Energy Regulatory Commission kamakailan.
Bilang pagsunod sa ERC order, ipinaliwanag ni CASURECO II General Manager Emelita Candia sa press con nitong Miyerkules, na ipapatupad na nila ang mas mababang taripa ng kuryente base sa NPC mula sa power supplier na Masinloc Power Partners Co. Ltd. matapos matukoy na ang kontrata nito ay paso na. Dahil dito, epektibo ngayong May 19 electric bill reading, bababa na sa P4.38 pesos per kilowatt-hour ang rate ng kuryente ng CASURECO II mula sa naturang power supplier Gayunpaman, iginigiit pa rin ng kooperatiba na legal ang kanilang kontrata.
Pagisikapan din ng kooperatiba na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang maipatupad ang refund order ng komisyon.

Camarines Sur II Electric Cooperative Board of Directors sa isinagawang press conference nitong May 17, 2023. Photo courtesy of CASURECO II Facebook Page
Ani CASURECO Director John Paul Sta. Ana ng Calabanga District, may prosesong dapat sundin para dito tulad ng pormal na liham sa ERC at sa power supplier para maibalik ang excess payment ng publiko simula 2017 hanggang April 2023.
Anuman ang magiging tugon ng power supplier ay agad nilang ipapaalam sa publiko.
Nangako naman ang general manager na gagawin nila ang lahat upang akuin ang responsibilidad para sa kapakanan ng kanilang mga konsumidor.
Ikinagalak naman ng alkalde ng Naga na si Mayor Nelson Legacion ang desisyong ito ng kooperatiba.