BATANGAS CITY (PIA) — Pormal nang binuksan ang tanggapan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) South Luzon na matatagpuan sa National Food Authority (NFA) Compound sa Brgy. Balagtas sa lungsod na ito noong ika-16 ng Mayo.
Pinangunahan ni ARTA Secretary Ernesto Perez at ARTA Undersecretary Rabindranath Quilala ang pormal na pagbubukas ng nasabing tanggapan.
Kasama ng mga opisyal ng ARTA sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Region IV-A Regional Director Ariel Igesia, Batangas Provincial Administrator Wilfredo Racelis, Department of Information and Communications Technology (DICT) IV-A Representative Grace Bucad, at Batangas Mayor Beverley Rose Dimacuha.
Ayon sa mandato ng ARTA ay kailangang magkaroon at maipatupad ang Republic Act 11032 o Ease of Doing Business gayundin ang Efficient Government Service Delivery upang magkaroon ng transparency ang mga transaksyon sa pamahalaan at mapalaganap ang isang matapat at responsableng serbiyo publiko.
Ayon kay Sec. Perez, iba’t ibang programa ang ipinatutupad sa mga lokal na pamahalaan gayundin sa pamahalaang nasyunal para sa mas mabisang paglilingkod sa mga mamamayan. Isinusulong din nila ang Public-Private Partnerships upang mas mapalakas ang koordinasyon at pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sector.
Kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bureaucratic efficiency kung saan pumapasok ang mandato ng ARTA.
Sa mensahe naman ni ARTA South Luzon Regional Director Dr. Karl Joseph Sanmocte, ang kanilang ahensya ay dapat na ituring na katuwang ng mga ahensya ng pamahalaan upang mas maisaayos ang kanilang pagseserbisyo at hindi sila dapat ituring na kaaway.
Nagkaroon din ng pagkakataon na mabigyang linaw ang ilang mg a katanungan matapos isagawa ang Kapihan sa Batangas sa pagitan ng mga opisyal ng ARTA, DILG, DICT at Pamahalaang Panlalawigan kasama ang mga miyembro ng Batangas media at ito ay pinamahalaan ng PIA Batangas.
Sa huli ay nagpahayag sina Provincial Administrator Racelis at Mayor Dimacuha ng malugod na pagtanggap sa mga kawani ng ARTA sa pagbubukas ng kanilang tanggapan sa lungsod.
Magiging sakop ng Southern Luzon Office ang mga rehiyon ng IVA,IVB at V. (BPDC, PIA Batangas)