TRECE MARTIRES CITY, Cavite (PIA) — Mas inilapit pa ng pamahalaan ang mga serbisyo nito para sa sektor ng agrikultura sa Calabarzon, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA) Region IV-A at Agricultural Training Institute (ATI) Calabarzon.
Inilunsad ng DA 4A Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang KADIWA Retail Selling na nilahukan ng siyam na Farmer Cooperatives Association (FCA) sa lalawigan . Kabilang dito ang Magallanes Samahang Magsasaka ng Kay-Apas at Medina Agriculture Cooperative, General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative, Daine 1 & 2 Farmers Association Inc., Pacheco Agrarian Reform Cooperative, Café Amadeo Development Cooperative, Yakap at Halik MPC-Cavite, Luntian MPC, Laly’s Mushroom Embotido at Bounty Harvest Farm.
Umarangkada ang KADIWA upang tulungan ang mga FCA na mailapit ang kani-kanilang mga pangunahing produkto tulad ng gulay, prutas at karne sa mga lugar kung saan magkakaroon naman ng access ang mga mamimili sa mas mababang halaga kumpara sa mga regular na pamilihan.
Naghatid rin ng bagong kaalaman ang DA IV-A sa pamamagitan ng tatlong paksang tinalakay sa "ATI@Home Urban Agriculture Seminar Series."
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni ATI Calabarzon Center Director Rolando V. Maniang ang 40 kalahok na nakiisa sa pagsasanay ukol sa Hydroponics, Recordkeeping at Mushroom Production. Tumanggap rin sila ng mga sertipiko at urban gardening starter kit sa pagtatapos ng serye ng mga seminar.
Ipinagdiriwang ang Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda tuwing buwan ng Mayo upang bigyang pagkilala ang kanilang kontribusyon sa food security ng bansa.
Binibigyang pagkilala rin nito ang mga mangingisda at magsasaka sa kanilang pagsusumikap sa food production. (PB/ATICalabarzon)