LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Kasabay ng ika-86 na anibersaryo ng Government Service Insurance System (GSIS), handog nito sa mga manggagawa ng pamahaalan ang programang murang pabahay, o ang Pabahay sa Bagong Bayaning Manggagawa (PBBM).
Sa naging talumpati ni GSIS President at General Manager Wick Veloso, Miyerkules, ika-31 ng Mayo, ang Pabahay sa Bagong Bayaning Manggagawa ay isang inisyatibo ng ahensya upang solusyunan ang kakulangan ng pabahay sa bansa, na nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pabahay sa ilalim ng PBBM ay isang 20-storey high-rise condominium na itatayo sa dalawang lokasyon. Isa sa Fairview, Quezon City at Cogeo, Antipolo.
Bukas ito para sa lahat ng klase ng civil servants, mula sa higher pay grade, middle ranking at rank-and-file employees.
Bukod pa rito, dahil sa pinabuting payment terms ng GSIS, wala itong down payment.
Ayon kay GM Veloso, kadalasan itong daing ng mga kawani sa gobyerno. Aniya, “kadalasan pong reklamo ng ating pong mga kawani sa gobyerno ay ang pangangailangan ng downpayment.”
“Kaya ho ginawa natin na wala ng down payment, ang amortization nalang po ang inyong babayaran,” dagdag nito.
Layunin ng programang PBBM na siguruhing lahat ng miyembro ng GSIS ay may sarili, matatag at ligtas na tirahan.
Para sa karagdagang impormasyon, antabayanan ang Facebook page ng Government Service Insurance System. (PIA-NCR)