Ayon kay TESDA-Palawan Provincial Director Vivian Abueva, ang mga tulong na maibibigay ng nasabing training center ay ang mga pagsasanay sa sampung rehistradong programa ng TESDA tulad ng Driving NC II, Carpentry NC II, Masonry NC II, Organic Agriculture Production NC II, Shielded Metal Arc Welding NC II, Electrical Installation and Maintenance NC II, Solar Nightlight and Post Lamp, Trainers Methodology Level I at Level II, at Community-Based Trainers Methodology Course.
Ang mga tulong na ito ay sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program, Tulong Pangkabuhayan Scholarship Program at Special Training for Employment Program.
Ayon pa kay PD Abueva, target ng PTC na makapagsanay ng nasa 1,025 benepisyaryo para sa iba’t-ibang registered programs ngayong 2023.
Nagpasalamat naman si Roxas Municipal Mayor Dennis Sabando sa TESDA sa pagtatayo ng nasabing gusali sa kanilang lugar at sinabing magiging daan ito upang magkaroon ng sapat na kasanayan ang kanilang mga mamamayan.
Saksi rin sa nasabing aktibidad sina Palawan Board Members Maria Angela Sabando at Winston Arzaga bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, maging ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Roxas at mga opisyal ng barangay ng Bgy. Magara. (OCJ/PIA-Palawan)