LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) — Pinasinayaan ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd sa lungsod ng San Carlos ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro nitong ika-lima ng Setyembre sa pagsasagawa ng misa, medical mission, parada at konsyerto.
May temang “Together4Teachers,” ipinagdiriwang sa buwan na ito ang husay at kadakilaan ng mga Pilipinong guro na katuwang ng Kagawaran sa pagtupad ng isang bansang makabata at mga batang makabansa.
Ani Dr. Sheila Marie Primicias, ang schools division superintendent, “Sa pagdiriwang natin sa Buwan ng mga Guro, tandaan na hindi lamang kayo mga guro; kayo ay mga bayaning patuloy na bumubuo ng mas maliwanag na kinabukasan.”
Ayon pa kay Primicias, bibida rin sa isang buwang selebrasyon ang husay at talento ng mga guro sa isasagawang battle of the bands, radio broadcasting, at sing and dance concert.
Pinuri naman ni Direktor Tolentino Aquino ng DepEd sa Rehiyon Uno ang mga guro sa kanilang pagsisikap na maihatid ang kalidad ng edukasyon sa bawat pamayanan sa kabila ng anumang sitwasyon. (JCR/AMB/JCDR/PIA Pangasinan)