POLILLO, Quezon (PIA) — Pormal nang binuksan ng Department of Science and Technology (DOST) Calabarzon ang kauna-unahang mini science centrum sa lalawigan ng Quezon na matatagpuan sa Polillo Central Elementary School sa bayan ng Polillo.
Ayon sa DOST Calabarzon, ang mini science centrum ay bahagi ng kanilang Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program na layong ipakita ang mga interactive at natatanging exhibit sa mga konsepto at proseso ng agham na makakatulong sa mga guro at mag-aaral.
Pinangunahan nina Quezon Governor Helen Tan at DOST Calabarzon Regional Director Emelita Bagsit kasama Prof. Fortunato T. dela Peña, dating DOST Secretary na ngayon ay Chairperson ng Philippine Foundation for Science and Technology (PFST) ang pagpapasinaya sa mini science centrum.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si Tan sa DOST Calabarzon, PSFT, at Department of Education (DepEd) para sa inisyatibo at suporta ng mga ito sa paglalagay ng mini science centrum sa island municipality ng Polillo.
Aniya, inaasahang maraming mga mag-aaral at mga guro ang makikinabang dito upang lalong mamulat ang kanilang kaalaman at interes sa agham at teknolohiya.
"Napakaganda ng meron tayong facility, tama na inuna yung mga island schools dahil doon sa problema nila to access learning facilities," ani Gov. Tan.
"Kapag ang proyekto ay pinag-iisipan at pinagpaplanuhan ng maayos, ang ganda ng kinakalabasan. And I am sure that thousands of students and teachers will benefit on this project, the first working Science Centrum in CALABARZON," dagdag ng Gobernadora.
Kaugnay nito, ibinalita din ni Tan na sa susunod na buwan ay bubuksan naman ang isa pang science centrum sa bahagi ng Alabat at Quezon, Quezon.
Nagpasalamat naman ang DOST Calabarzon sa pangunguna ni Bagsit sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa paglalaan ng pondo para sa imprastraktura ng science centrum. (Ruel Orinday-PIA Quezon)