GUMACA, Quezon (PIA) — Mahigit sa 2,000 residente ng Bayan ng Gumaca ang natulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa idinaos na medical mission nitong Nobyembre 11 bilang bahagi ng ika-441 na taon ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Diego De Alcala.
Ayon sa tanggapan ng Quezon Public Information Office, ang iba't ibang serbisyong medikal na naipagkaloob sa mga residente ay ang libreng check-up, bunot ng ngipin, opera ng maliliit na bukol, check-up sa mata, tuli at mga laboratoryo tulad ng Ultrasound, X-ray, ECG, FBS, Urinalysis, CBC at maging ang libreng bakuna ng Flu, PVC 23 at 13.
Katuwang sa pagdaraos ng medical mission ang Rakkk Prophet Medical Center Inc., Integrated Provincial Health Office, Armed Forces of the Philippines - Southern Luzon Command, Quezon Provincial Hospital Network at mga pribadong doktor.
Ang patuloy na pagpapalawig ng mga libreng serbisyong pangkalusugan para sa kapakanan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Quezon ay isa sa mga isinusulong na programa at patuloy na sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Helen Tan.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman ng mga Gumaqueños sa libreng gamutan na nagsisilbing isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng bayan ng Gumaca na handog ng kinatawan ng ika-apat na distrito ng Quezon, Congressman Atty. Mike Tan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)