LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pinangunahan kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng DENR MT Princess Empress Oil Spill Task Force ang turnover ng unang batch ng Magic Fiber absorbent pads at 11 drums ng dispersant sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Pinangasiwaan ang gawaing ito ni Task Force Commander Undersecretary Marilou Erni. Gagamitin ang mga ito upang mapabilis ang paglilinis ng kumakalat na spilled oil mula sa lumubog na oil tanker.
Ipinagkaloob ang naturang mga kagamitan ng NextGen Foundation Philippines, Inc. (NGFPI) at Oceanus Conservation.
May inaasahan pang karagdagan na 180,000 Magic Fiber absorbent pads at 11 drums ng dispersant ang nakatakdang ipagkakaloob ng naturang mga organisasyon. Ang Magic Fiber pads ay imbensyon ng isang Japanese company na gumagamit ng nanofiber na may kakayahang sumipsip ng kahit anong klaseng langis.
Ipinamalas naman kung gaano kaepektibo ang pagsipsip ng langis habang pinipigilan ang pagpasok ng tubig ng naturang Magic Fiber pads sa isinagawang Bench-top Treatment Demonstration. Iprinisenta ito sa harap ni Incident Commander Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Geronimo Tuvilla. Ayon sa PCG, magiging malaking ambag ito sa isinasagawang clean-up operations ng ahensiya.
Samantala, tuluy-tuloy ang isinasagawang pakikipag-ugnayan ng DENR sa iba’t-ibang ahensiya, gayundin sa mga pribado at publikong organisasyon upang mabigyang solusyon at mapigilan ang pagkalat ng makapaminsalang oil spill sa iba pang bahagi ng katubigan sa bansa. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Ipinakita sa harap ni Oil Spill Incident Commander Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Geronimo Tuvilla kung gaano kaepektibo ang Magic Fiber Pads sa pagsipsip ng langis. (Larawan mula DENR.)
Magiging malaking tulong sa pagpapabilis ng isinasagawang coastal clean-up operations ang paggamit ng mga Magic Fiber pads. (Larawan mula DENR.)