PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Sinimulan na ng National Food Authority (NFA)-Palawan nitong Abril 27 ang pamamahagi ng one-time grant ng rice assistance sa mga empleyado ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na nasa Lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa City.
Ayon kay NFA Palawan Acting Assistant Branch Manager Marita F. Abadilla, nasa mahigit 50 mga tanggapan ng gobyerno ang kanilang sinulatan upang magsumite ang listahan ng mga benepisyaryo para sa rice assistance, kasama na dito ang mga kawani sa ilalim ng Armed Force of the Philippines (AFP).
Ang pamamahagi ng one-time grant rice assistance ay alinsunod sa Administrative Order No. 2 ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos, Jr. na inilabas noong Disyembre 16, 2022.
Ayon kay Acting Warehouse Supervisor Gemarie R. Asturias, mahigit 10,000 sako ng bigas ang nakatakdang ipamahagi ng NFA-Palawan para sa mga naitalang benepisyaryo mula sa iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan, kung saan 34 na sako na ang nailabas ng nasabing ahensiya mula sa kanilang sariling bodega sa unang araw ng pamamahagi nito at ito ay para sa Philippine Information Agency (PIA)-Palawan, PHIVOLCS, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Registry of Deeds.
Umaabot naman sa P1,182,905,000 ang inilaang pondo ng pamahalaang nasyonal para dito na nai-release na ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng inaprubahang Special Allotment Release Order (SARO) na may kaakibat na Notice of Cash Allocation (NCA) nitong Abril 12, 2023.
Inaasahang mabibigyan ng rice assistance ang tinatayang nasa 1,892,648 na mga manggagawa ng gobyerno sa buong Pilipinas.
Ang bawat kuwalipikadong benepisyaryo ng rice assistance ay tatanggap ng tig-25 kilos ng bigas.
Kabilang sa tatanggap ng rice assistance ang mga job order (JO) at contract of service (COS) na nagtrabaho sa gobyerno hanggang November 30, 2022. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Inihahanda na ng mga kawani ng National Food Authority (NFA)-Palawan ang mga bigas na ipapamahagi kaugnay ng One-Time Grant of Rice Assistance na nagsimula nitong Abril 27, 2023. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)