LUNGSOD QUEZON, (PIA) — Pagsapit ng Pebrero, hindi lamang panahon ng pag-ibig kundi pati na rin ng National Oral Health Month. Sa kabila ng mga matatamis na regalong tsokolate, binigyang-diin ng mga eksperto ang pangangailangan ng tamang pangangalaga sa ngipin upang maiwasan ang mga posibleng problema sa oral health.
Ayon kay Dr. Ma. Editha Micu-Ramos, Chairperson ng Philippine Dental Association, ang pangunahing suliranin sa kalusugan ng bibig sa bansa ay dental caries o tooth decay, na umaapekto sa 45% ng mga Pilipino. Bisita ang dentista sa Impormasyon at Aksyon, isang weekly TeleRadyo program hatid ng Philippine Information Agency.

Aniya, kasama rin dito ang gingivitis at periodontitis, na nagdudulot ng pamamaga ng gilagid at pagkawala ng ngipin.
Ipinahayag din ni Dr. Ramos na madalas na sanhi ng mga problemang ito ang simpleng gawain tulad ng pagbubukas ng sachet gamit ang ngipin at pag-inom ng softdrinks.
“Kaya naman, sa temang ‘Brushing ang Key sa Ngiping Healthy,’ hinihikayat ang lahat na magsepilyo ng dalawang beses sa isang araw at huwag agad magmumog pagkatapos mag-toothbrush,” aniya.
Binigyang-diin din ni Dr. Ramos ang tamang fluoride content ng toothpaste. Para sa mga batang 0-3 taon, dapat ay may 1,000 parts per million, habang 1,500 parts per million naman para sa mga 4 na taon pataas. “Pamilya dapat ang unang dentista,” dagdag niya.
Sa kabila ng mga isyu sa relasyon, dapat ding bigyang-pansin ang dental health.
Ayon kay Dr. Micu-Ramos, mas mataas ang tsansa ng dental caries sa mga taong may dry mouth. Para sa mga nagnanais ng libreng gamutan, binanggit ni Dr. Ramos na nag-aalok ang Philippine Dental Association ng libreng serbisyo tuwing Lunes at Martes sa kanilang tanggapan sa Makati. (JCO/PIA-NCR)
(PIA file photo)