Notice of violation, inihain ng DTI sa apat na establisyemento sa Mansalay at Bulalacao

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nasa apat na establisyemento sa mga bayan ng Mansalay at Bulalacao ang nabigyan ng Notice of Violation sa isinagawang inspeksyon ng DTI Oriental Mindoro Provincial Monitoring and Enforcement Team kamakailan.

Ang on-the-spot inspection ay isinasagawa ng DTI upang maisiguro na naaayon ang kalidad ng mga produkto sa itinakdang pamantayan ng ahensiya. Ito ay upang maisiguro rin ang kaligtasan ng mga mamimili.

Kabilang sa mga ininspeksyon na mga produkto ay mga mechanical/building construction materials, electric and electronic products, household appliance, at iba pang mga produkto.

Nakitaan ng paglabag ang apat na establisyemento na nagbebenta ng mga electric fans, steel wires, at lighters na walang kaukulang Philippine Standard (PS) Mark o Import Commodity Clearance (ICC) stickers.


Sinusuri ng mga kawani mula sa DTI Oriental Mindoro Provincial Monitoring and Enforcement Team ang mga produkto kung meron itong kalakip na PS Mark o ICC stickers. (Larawan mula DTI-Oriental Mindoro)

Ang naturang mga marka ay bilang pananda na ang mga ibinibentang produkto ay may kalidad at pumasa sa inspeksyon at pagsusuri ng mga eksperto.

Pinapaalalahanan naman ng DTI ang mga mamimili na palaging tingnan kung mayroong PS Mark o ICC Stickers ang mga produkto na kanilang bibilhin alinsunod sa sertipikasyon ng Bureau of Philippine Standards. Maaaring tingnan kung lehitimo ang mga kalakip na mga marka sa pamamagitan ng ICC Verification System Mobile application na maaaring ma-download sa Google Playstore o di kaya naman sa Apple Store. (JJGS/PIA Mimaropa-Ormin)


Kasama rin sa ininspeksyon ang mga construction materials, upang maisiguro ang kalidad nito. (Larawan mula DTI-Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content