LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Enero 27 (PIA) — Inilunsad ngayong araw ng National Telecommunications Commission (NTC) Mimaropa ang SIM Registration katuwang ang mga telecommunication companies (Telcos) na Globe, Smart at Dito na isinagawa sa Barangay Sta. Rosa 1 covered court, Baco bilang kauna-unahang SIM card registration sa buong rehiyon.
Sa mensahe ni NTC Regional Director Engr. Ronald Cabute, “Sa 168 milyon na telco subscribers sa buong bansa, nasa 25.5 milyon pa lamang ang nakapagparehistro ng kanilang Subscriber Identity Module o SIM cards na ayon sa bagong batas na SIM Registration Act na ipinasa sa kongreso sa pamamagitan ng House Bill No. 14 at Senate Bill No. 1310 na ang tanging layunin nito ay masawata ang mga text scam, text spam at iba’t-iba pang uri ng mga panloloko gamit ang SIM na nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr., noong Oktubre 10 at naging epektibo nito lamang Oktubre 28 bilang Republic Act 11934.”
Dagdag pa ng direktor, kasama na anya nila ang tatlong malalaking kumpanya ng komunikasyon upang makatulong sa mga subscribers na mairehistro ang kanilang SIM cards lalo na sa mga katutubong Mangyan at iba pang naninirahan sa kabundukan na magtungo sa kanilang lugar na kung saan ay maghapon silang nakaantabay para magserbisyo sa mamamayan at mga karatig bayan para sa nasabing gawain.
Samantala, nagpaalala pa si Cabute na 180 araw o hanggang Abril 26 ngayong taon lamang ang itinakda ng batas para sa pagpaparehistro ng SIM cards at pagkatapos sa mga hindi nakapagrehistro ay maari ng maputol ang kanilang linya. Sa mga wala naman anyang valid ID na siyang kailangan sa pagpaparehistro ay maaring kumuha ng barangay certification bilang patunay ng kanyang pagkakakilanlan at lugar na tinitirhan at lakipan ng isang 1×1 na larawan at saka kuhanan ng letrato.
Nakatakda din ilunsad ang SIM Registration sa Torrijos Marinduque sa darating na Pebrero 2 at Pebrero 3 sa Sablayan Occidental Mindoro. (DN/PIA-OrMin)
Larawan sa itaas: Inilunsad ng NTC-4B ang SIM Card Registration sa bayan ng Baco upang matulungan ang mga subscribers na mairehistro ang kanilang SIM sa tulong ng mga Telcos na Globe, Smart at Dito. Ginanap ang nasabing aktibidad sa Brgy. Sta. Rosa covered court. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)