Ilang Chinese Coast Guard vessels ang namataan sa bisinidad habang isinasagawa ang RORE mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong Sabado, Hulyo 27, 2024 (Larawan mula sa PCG)
BAGUIO CITY (PIA) — Umaasa ang National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS) na susundin ng China ang ‘provisional understanding’ nito at ng Pilipinas para sa pagpapahupa ng tensyon sa karagatang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Nilinaw ng NTF-WPS na hindi humingi—at hindi hihingi—ng pahintulot ang Pilipinas mula sa People’s Republic of China sa pagsasagawa ng rotation and resupply (RoRe) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Matatandaang inihayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na ilan sa napagkasunduan ay papayagan ng China ang Pilipinas na magsagawa ng naturang missions kapag may natanggap silang advance notification at nakapagsagawa sila ng on-site verification. Pipigilan din umano ng China ang pagpapatayo ng Pilipinas ng anumang permanenteng istruktura sa naturang lugar.
Gayunman, binigyang-diin ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the WPS, Commodore Jay Tarriela, na lahat ng inihayag na ito ng China, ay hindi makatotohanan.
Iginiit ni Tarriela na hindi kailangang magpaalam ng Pilipinas sa China sa paglalayag at pagsasagawa ng mga aktibidad sa karagatang nasasakupan ng Philippines’ EEZ.
“There’s no reason for us to comply with their requirement that no construction supply should be brought to BRP Sierra Madre. We can of course enjoy the freedom of navigation within our own exclusive economic zone,” sabi ni Tarriela.
Una na ring naglabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs na naglilinaw na ang kasunduan ay hindi makasisira sa paninindigan ng dalawang bansa. Ipagpapatuloy umano ng Pilipinas ang paggiit sa karapatan at hurisdiksyon nito sa maritime zones alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kabilang na sa Ayungin Shoal na nasa loob din ng Philippines’ EEZ at continental shelf.
Nitong Sabado, Hulyo 27, 2024, ay matagumpay na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines, katuwang ang PCG, ang RoRe mission sa BRP Sierra Madre.
Sa pahayag na inilabas ng NTF-WPS, sinabi nito na nakita sa bisinidad ang apat na Chinese Coast Guard vessels, tatlong People’s Liberation Army-Navy vessels, at dalawang Chinese Maritime Militia vessels. Nanatili umano ang distansya ng mga sasakyang pandagat ng China at hindi nila inabala ang RoRe mission.
Sinabi ng NTF-WPS na ang presensya at mga aktibidad ng Pilipinas sa shoal ay lehitimo at naaayon sa batas, partikular na sa UNCLOS. (DEG-PIA CAR)