OFW help desk, itatatag ng OWWA sa Antipolo City

ANTIPOLO CITY (PIA) — Mas malapit na serbisyo ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at pamilya nito ang inaasahan sa pagtatatag ng OFW Help Desk sa lungsod ng Antipolo sa Rizal.

Kamakailan ay lumagda sa isang kasunduan si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) 4A Regional Director Allan A. Ignacio at Antipolo City Mayor Casimiro A. Ynares para sa paglalagay ng naturang help desk.

Sa pamamagitan ng help desk, maaaring sumangguni ang mga OFWs sa Antipolo City para sa mga kaukulang serbisyo at benepisyo na maaari nilang matanggap.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ynares na malaking tulong ang help desk dahil hindi na kinakailangan pang pumunta ng mga kababayan nitong OFW sa tanggapan ng OWWA sa Calamba City, Laguna para sa pagproseso ng kanilang mga benepisyo.

“Malaking tulong na nagkaroon na tayo ng satellite office rito sa Rizal, mismo sa lungsod ng Antipolo, upang hatiran ng serbisyo ang ating Rizalenyong OFWs. Convenient na ito kasi hindi na lalabas pa ng Rizal,” ani Ynares.

Nakatakda ring maglagay ng OFW help desk sa iba pang lungsod at bayan sa Rizal upang mailapit pa ang mga programa ng OWWA sa mahigit 45,000 documented OFWs sa probinsya.

Nitong Mayo ay binuksan rin ng OWWA ang satellite office nito na matatagpuan sa Unit B, Emax Building, L. Sumulong Circle, Brgy. San Roque, Antipolo City, Rizal.

Samantala, binigyang pagkilala rin ng OWWA 4A ang pamahalaang lungsod ng Antipolo para sa aktibo at natatangi nitong bahagi sa matagumpay na pagpapatupad ng Hatid-Sundo program noong panahon ng pandemya.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Ignacio sa pamahalang lungsod para sa patuloy na pagsuporta sa mga programa at serbisyo ng OWWA para sa mga OFWs sa lungsod. (PIA RIZAL)

In other News
Skip to content