PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamagitan ng kanilang Facebook page na umabot na sa baybayin ng Brgy. Casian sa bayan ng Taytay ang epekto ng ‘oil spill’ mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Nitong Marso 10 ay personal na pinuntahan ng mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ang nasabing barangay matapos matanggap ang impormasyon mula kay Barangay Captain Norbert Lim at sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Taytay.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ng PCG, humigit-kumulang 159 nautical miles o 295 kilometro ang layo ng Brgy. Casian, Taytay, Palawan sa katubigan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Nagtulong-tulong ang mga residente ng Bgy. Casian, sa bayan ng Taytay, Palawan upang linisin ang Amianan Beach dahil sa oil slick. Ang Amianan Beach ay isa sa mga identified potential tourist destination ng nasabing barangay. (Larawan mula kay Arnoldo Valdez ng Provincial Tourism Office)
Nang makumpirma ito, agad na sinimulan ng PCG ang assessment at paglilinis para maitaguyod ang kaligtasan ng mga residente sa lugar.
Samantala, nagtulong-tulong naman ang mga residente ng Brgy. Casian upang linisin ang Amianan Beach dahil sa oil slick.
Ang Amianan Beach ay isa sa mga identified potential tourist destination ng nasabing barangay.
Puspusan din ang ginagawang paghahanda ng Coast Guard Station Eastern Palawan (CGSEP) gayundin ang mga Sub-Stations nito patungkol sa posibleng pagdating ng mga pira-pirasong ‘oil slick’ sa mga lugar na nasasakupan ng naturang himpilan.
Nakipag-ugnayan na din sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils (MDRRMC) ang CGSEP upang magsagawa ng mga pro-active measures katulad ng paggawa ng absorbent/spill booms na gawa sa bunot/lumang damit at mga tuyong dahon.
Nakarating na din sa bayan ng Cuyo ang ipinadalang Oil Spill dispersant, spill booms at absorbent pads na nagmula sa Marine Environmental Protection Force-Palawan bilang karagdagang gamit kung sakali mang makaabot ang mga nasabing oil slick.
Pinaalam na din sa mga mamamayan ng Agutaya, Cuyo at Magsaysay ang maaaring epekto nito sa mga dalampasigan at yamang dagat.
Sa ngayon ay masusi pa ding nag-papatrolya at nagsusuri ang mga tauhan ng CGSEP kasama ang lokal na pamahalaan upang siguruhin ang maagap na pagbantay sa kanya-kanyang lugar. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Larawan sa itaas mula sa Philippine Coast Guard