LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Isinagawa ngayong Agosto 22 sa Bulwagang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ang one-stop shop para sa mga nagnanais makakuha ng student license na siya namang magiging daan upang makakuha ng driver’s license ang mga mamamayan sa lalawigan.
Ayon kay Mico Uy, Presidente ng Oriental Mindoro Riders’ Federation (OMRF), bahagi ang naturang gawain ng selebrasyon ng ika-apat na taon ng pagkakatatag ng samahan. Matatandaan na tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang ng samahan ang kanilang pagkakatatag.
Ayon pa kay Uy, naging posible ang naturang gawain sa pakikipagtuwang ng pederasyon sa Land Transportation Office (LTO) Mimaropa at Pinamalayan Branch na naglaan ng oras at serbisyo upang matulungan ang mga Mindoreno na makakuha ng kanilang mga lisensya na isa sa mga pinakamahalagang rekisito bago makapagmaneho.
Pasasalamat din ang ipinaabot ni Uy sa Pamahalaang Panlalawigan, sa panugnuna ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor na isa sa mga masigasig na sumusuporta sa Rider’s community ng probinsya.
Ayon naman sa kasalukuyang datos, ngayong araw ay mahigit 100 na ang dumalo sa naturang aktibidad na inaasahang magiging benepisyaryo ng naturang serbisyo. Ilan lamang sa mga isinasagawang serbisyo rito ay ang serye ng mga lektyur hinggil sa mga dapat at hindi dapat gawin sa kalsada, gayundin ang mga batas trapiko na higit na kinakailangang malaman ng mga ito. Magkakaloob din ang one-stop shop ng medical check-up, gayundin, ang payment para sa pagkakaloob ng student permit.
Tatagal ng dalawang araw ang naturang gawain mula ngayong Agosto 22 hanggang 23. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Handog ng Oriental Mindoro Riders’ Federation katuwang ang LTO MIMAROPA at Pinamalayan ang mga serbisyo ng ahensiya upang mas mapadali ang pagkuha ng student license ng mga mamamayan na nagbabalak kumuha nito. (Larawan ni JJ Sugay)