Onion Cold Storage, itatayo sa Cuyapo

CUYAPO, Nueva Ecija (PIA) — Nasa 500 magsisibuyas ang maaaring mabenepisyuhan sa itatayong Onion Cold Storage sa Cuyapo, Nueva Ecija.

Ito ang ipinahayag ni Cuyapo Municipal Agriculturist Orlando Ramos sa idinaos na groundbreaking ceremony ng 20,000 bags capacity onion cold storage na ipinagkaloob ng Department of Agriculture o DA sa Calancuasan Sur Farmers Association mula sa naturang bayan.

Nasasakupan aniya ng Cuyapo ang humigit 100 ektaryang taniman ng sibuyas kaya tiyak na malaki ang maitutulong ng ipatatayong pasilidad upang siguradong may mapaglalagyan na ang mga inaaning tanim ng mga kababayang magsasaka.

Ayon kay DA Bureau of Plant Industry Assistant Director Herminigilda Gabertan, ang mga post-harvest facilities na ipinagkakaloob ng pamahalaan ay may adhikaing mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka.

Gayundin ay isang pamamaraan ito upang maiparamdam ang mahalagang gampanin ng mga magsasaka sa lipunan sa produksiyon ng pagkain na kung saan maraming tahanan ang nakikinabang.

Kaniyang sinabi na aabot sa 38 hanggang 40 milyong piso ang inilaang pondo ng DA sa ipatatayong cold storage sa ilalim ng High Value Crops Development Program na kung saan tinumbasan din ng pamahalaang lokal ng pondong 2.6 milyong piso.

Pahayag ni Mayor Florida Esteban, walang ibang hangad ang pamahalaang lokal kundi magkaroon ng kaunlaran at kagandahan ang buhay ng bawat mamamayang Cuyapenyo lalo na ang mga magsasaka.

Patunay rito ang inilaang pondo ng pamahalaang bayan bilang bahagi sa tuloy na tuloy nang pagpapatayo ng Onion Cold Storage.

Ipinaabot din ng alkalde ang pasasalamat sa lahat ng mga tumutulong at nagbibigay ng liwanag sa buhay ng mga magsasaka tulad sa mga dumadaloy na biyaya mula sa mga binhi, buto ng gulay, pataba, irigasyon, kagamitang pangsaka, technical assistance, at mga kailangang pagsasanay.

Ito aniya ay ramdam mismo at nakikita ng mga magsasaka dahil lahat ng mga natatanggap na tulong at programa ay tinitiyak ng pamahalaang lokal na maayos naipamamahagi at siguradong nakararating mismo sa tao.

Personal ding sinaksihan ni Governor Aurelio Umali ang naturang groundbreaking ceremony na kung saan kaniyang ipinagpasalamat ang pagmamalasakit at pagmamahal na ipinararamdam ng pamahalaang nasyonal sa mga magsasakang Novo Ecijano. (CLJD/CCN-PIA 3)

Sa kanyang pagdalo sa isinagawang groundbreaking ceremony ng 20,000 bags capacity onion cold storage, sinabi ni Mayor Florida Esteban na walang ibang hangad ang pamahalaang lokal kundi magkaroon ng kaunlaran at kagandahan ang buhay ng bawat mamamayang Cuyapenyo lalo na ang mga magsasaka. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

In other News
Skip to content